PVL schedule babaguhin muna

MANILA, Philippines  — Target ng Premier Volleyball League (PVL) na baguhin ang schedule ng liga sa taong ito.

Karaniwan nang nagbubukas ang season ng PVL sa pagtataguyod ng Reinforced Conference kung saan pinahihintulutan ang bawat koponan na magkaroon ng dalawang foreign guest players.

Magsisimula sana ang liga sa Mayo 30.

Ngunit dahil sa ipina­tutupad na Enhanced Community Quarantine (ECQ) dahil sa coronavirus diseases (COVID-19) pandemic, posibleng ilipat ang araw ng opening.

Nais din ng PVL na unahin na muna ang pagtatanghal ng Open Confe­rence sa halip na Reinforced Conference.

Nangangamba si PVL president Ricky Palou na walang dumating na foreign imports dahil sa krisis na kinakaharap hindi lamang ng Pilipinas maging ng ibang bansa sa iba’t ibang panig ng mundo.

“Dahil sa situation, baka walang makuha na imports yung mga teams. The proposal is to start with the Open Conference instead,” ani Palou.

Sa oras na matapos ang ECQ, nakatakdang magpulong ang mga opis­yales ng PVL kasama ang mga team owners upang mapagdesisyunan ang magiging hakbang ng liga.

Ang PetroGazz Angels ang kasalukuyang defen­ding champion sa Reinforced Conference habang ang Creamline Cool Smashers naman ang 2019 titlist sa Open Conference.

Hindi pinahihintulutang magsanay ang mga koponan habang umiiral ang ECQ.

Kaya’t pag-aaralan ng PVL ang tamang petsa kung kailan posibleng ganapin ang opening ng liga.

Ayon kay Palou, ilang linggo nang hindi nakakapagsanay ang mga koponan at kailangan ng mga ito ng ilang linggo o buwan para makapaghanda. 

Show comments