MANILA, Philippines — Si Jessie Saitanan ay dating practice player ng Magnolia.
Sa inaasahang pagbabalik ng mga aksyon sa 2020 PBA Philippine Cup ay opisyal na niyang isusuot ang jersey ng Hotshots bilang miyembro ng regular line-up.
“Practice player namin si Jessie before he asked permission to play in the MPBL,” ani Magnolia coach Chito Victolero sa produkto ng Mapua Cardinals sa NCAA.
Ngunit hindi na bagito si Saitanan sa PBA.
Siya ang third-round draft pick ng Meralco noong 2016 PBA Rookie Draft matapos sumabak para sa Bread Story Smashing Bakers sa PBA D-League.
Naglaro rin si Saitanan para sa NorthPort noong 2016-17 at para sa TNT Katropa noong 2017-18 season.
Nakita ni Victolero ang determinasyon ni Saitanan nang makipagsabayan sa mga veteran big men na sina Marc Pingris at Rafi Reavis sa kanilang mga practice sessions.
Bukod kay Saitanan, idinagdag din ng Magnolia si rookie draftee Aris Dionisio para sa season-opening tournament na sinuspindi noong Marso 11 dahil sa coronavirus pandemic.