MANILA, Philippines — Gigil na si Danny Garcia na makaharap si reigning World Boxing Association (WBA) welterweight champion Manny Pacquiao.
Umaasa si Garcia na siya ang mapipili ng Team Pacquiao para sa title defense ng Pinoy champion.
Para kay Garcia, siya ang karapat-dapat makaharap ni Pacquiao.
Ipinunto ni Garcia ang ilang bagay kung bakit siya ang may karapatang harapin si Pacquiao.
Naniniwala si Garcia na siya ang pinaka-perpektong boksingerong dapat itapat kay Pacquiao dahil kaya nitong tumbasan ang tikas at lakas ng tinaguriang Pambansang Kamao.
Alam din ni Garcia na tiyak na tatabo sa takilya ang kanilang laban hindi lamang sa gate receipts maging sa pay-per-view buys.
“I think that’ll be, you know, the biggest fight that Manny, you know, if he wants the big money and he wants the pay-per-view buys, I feel like I’m the perfect guy to fight, who’s gonna meet that, you know,” ani Garcia sa panayam ng Boxing Scene.
Pangarap ni Garcia na makaharap ang isang legendary boxer tulad ni Pacquiao na tunay na tinitingala sa mundo ng boksing.
Inakala ni Garcia na matutupad na ang pangarap nito noong nakaraang taon.
Ngunit mas pinili ng kampo ni Manny na makaharap si dating undefeated fighter Keith Thurman.
Galing si Garcia sa dalawang sunod na panalo.
Tinalo nito si Adrian Granados via seventh-round tehcnical knockout win noong Abril 20, 2019 sa Dignity Health Sports Park sa Carson, California habang namayani rin ito kay Ivan Redkack noong Enero 25, 2020 sa Barclays Center sa New York.
Maliban kay Garcia, kasama rin sa mga posibleng makalaban ni Pacquiao sina Mikey Garcia, Errol Spence Jr., Terence Crawford at Amir Khan.