Diaz sa atleta: Ituloy lang ang training

Diaz

MANILA, Philippines  — Sa kabila ng krisis na kinakaharap ng bansa at ng buong mundo, pinayuhan ni Rio Olympics silver medalist Hidilyn Diaz ang mga kapwa atleta nito na ituloy lang ang training para maabot ang inaasam na tagumpay.

Aminado si Diaz na mahirap gumalaw dahil sa mahigpit na patakarang ipinatutupad sa pagpuksa sa coronavirus disease (COVID-19) na kumalat na sa iba’t ibang panig ng mundo.

Ngunit hindi ito dahilan para tumigil.

Bahagi lamang ito ng sakripisyo at pagsubok sa daang tinatahak para makarating sa minimithing pangarap.

“Don’t quit on your dream. Stay safe, train safely. Sundin ang batas na ipinatutupad ng gobyerno dahil para ito sa kapakanan nating lahat. Tuloy lang sa training,” ani Diaz na gold medalist din sa Asian Games at Southeast Asian Games.

Kasalukuyang nasa Malaysia pa si Diaz matapos maabutan ng lockdown.

Ngunit hindi huminto si Diaz sa pagsasanay nito kasama ang kanyang Chinese coach na si Gao Kaiwen at strength and conditioning coach na si Julius Naranjo.

“Dahil sa lockdown, hindi kami makabalik sa Pilipinas. Sixty-three na si coach Gao so hindi advi—sable sa kanya na mag-travel,” ani Diaz.

Bantay-sarado ang ensayo ni Diaz gayundin ang mga kinakain nito upang manatiling nasa kundisyon ang kanyang pangangatawan.

Wala pang pormal na anunsiyo ang International Weightlifting Federation sa listahan ng mga k­walipikado para sa Tokyo Olympics na idaraos sa susunod na taon.

Ngunit nakasisiguro na si Diaz ng puwesto sa Tokyo Games dahil sa kanyang world ranking.

Kasalukuyan itong nasa No. 5 spot habang Chinese athletes ang nasa unang apat na puwesto.

Sa apat na Chinese sa world ranking, tanging isa lamang ang mabibigyan dito ng puwesto dahilan para umangat sa No. 2 si Diaz na awtomatikong magbibigay sa kanya ng puwesto sa Tokyo Olympics.

Show comments