MANILA, Philippines — Nakiisa si University of the Philippines (UP) star Ricci Rivero sa pagtulong sa mga apektado ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) na ipinatutupad ng gobyerno para masugpo ang coronavirus disease (COVID-19).
Katuwang ang kanyang pamilya, namahagi si Rivero ng relief goods sa mga kababayan nito sa Ilagan, Isabela.
Ilan sa mga naabutan ng tulong ang mga frontliners, tanod at ilang volunteers na katuwang ng local government unit sa pagbabantay sa bawat sulok ng komunidad.
Nais ng Rivero family na ibahagi ang biyaya nito sa mga nangangailangan partikular na sa mga panahong ito na kapos ang karamihan dahil sa ipinatutupad na ECQ.
Isa lamang ang pamilya Rivero sa mga kumikilos para tumulong sa coronavirus fight.
Nagsanib-puwersa rin ang ilang volleyball players para naman makalikom ng pondo na gagamitin sa pagbili ng mga personal protective equipment (PPEs) ng mga health workers.
Umabot na sa mahigit P600,000 ang nalikom na pondo ng grupo ni dating Ateneo de Manila University playmaker Jia Morado mula sa donasyon at jersey auction.
Namahagi na rin ng paunang PPEs ang grupo nito sa Philippine General Hospital at Jose Reyes Medical Center.
Iba naman ang paandar ng grupo ni dating three-time UAAP MVP Alyssa Valdez na kumakalap ng pondo sa pamamagitan naman ng raffle.
Maaaring bumili ng raffle ticket sa halagang P300 kung saan maaaring mapanalunan ang volleyball jersey at ilang personal na kagamitan ng ilang sikat na players.
Gagamitin din ang makakalap na pondo para sa mga frontliners na katuwang ng pamahalaan sa pagsugpo ng COVID-19.