MANILA, Philippines — Malaking bentahe para sa Pinoy boxers ang bagong schedule ng 2020 Olympic Games na idaraos na sa Hulyo 23 hanggang Agosto 8 sa susunod na taon sa Tokyo, Japan.
Naniniwala si Southeast Asian Games silver medalist Irish Magno na may magandang epekto ito dahil mas magiging mahaba ang preparasyon para sa Tokyo Games.
Para kay Magno, kung mas mahaba ang training camp, mas lalong lalakas ang tsansa na makasungkit ng medalya sa prestihiyosong quadrennial meet.
“Mas maganda dahil mas hahaba yung preparation namin para sa Olympics. Ilang buwan kaming magte-training kaya for sure preparadong preparado kami para sa Olympics,” ani Magno.
Nakasungkit si Magno ng tiket sa Tokyo Olympics matapos manaig kay Tajikistan fighter Sumaiya Qosimova sa boxoff round ng 2020 Asian/Oceanian Olympic boxing qualifying tournament sa Amman, Jordan.
Gagamitin din ni Magno ang mahabang panahon para pag-aralan ang galaw ng kanyang mga makakalaban sa kanyang dibisyon - women’s flyweight class - sa Tokyo Olympics.
Sa kasalukuyan, siyam na boxers na ang nakapasok sa Tokyo Games sa pangunguna ni dating world champion Mary Kom ng India.
Kasama rin sa listahan sina Chang Yuan ng China, Tsukimi Namiki ng Japan, Huang Hsiao-wen ng Chinese-Taipei at Tursunoy Rakhomova ng Uzbekistan.
Pasok din sina African qualifiers Roumaysa Boualam ng Algeria, Rabab Cheddar ng Morroco at Christine Ongare ng Kenya.
“Pag-aaralan ko yung galaw ng mga posibleng makalaban ko para makagawa ng game plan para sa Olympics,” ani Magno.
May kabuuang 26 slots ang nakataya sa kanyang kategorya.