MANILA, Philippines — Sumali na rin si dating world champion Amir Khan sa listahan ng mga posibleng makaharap ni eight-division world champion Manny Pacquiao sa kanyang susunod na laban.
Isa o dalawang laban na lamang ang target ni Khan bago magpasyang magreitro sa boksing.
At nais nitong maging engrande ang pagtatapos ng kanyang karera sa insudtriya.
“I have a couple of fights left in me -- one or two at least,” ani Khan.
Kaya naman isang pangalan ang binanggit ni Khan na nais nitong makaharap bago magdesisyong isabit ang kanyang boxing gloves.
“The biggest fights motivate me. When you’ve made so much money and won world titles, what’s going to motivate you? A Manny Pacquiao fight is huge, wherever it was,” ani Khan.
Hindi na bago si Khan sa Team Pacquiao.
Makailang ulit na nitong naging sparring partner ang Pinoy champion sa paghahanda nito sa kanyang mga nakalipas na laban.
Isa si Hall of Famer at American strength and conditioning expert Freddie Roach ang dahilan ng pagkakaugnay nina Pacquiao at Khan.
Bukod pa rito ang pagiging magkatropa nina Pacquiao at Khan sa Premier Boxing Champions na parehong promotional outfit ng dalawa.
Dahil sa kanilang koneksiyon sa PBC, posibleng matuloy ito dahil mas magiging madali ang negosasyon sa loob ng grupo.
Gaya ni Pacquiao, Hulyo 2019 din ang huling laban ni Khan.
Mabagsik si Khan nang iselyo nito ang fourth-round knockout win kay Billy Dib ng Australia para masungkit ang bakanteng World Boxing Council (WBC) international welterweight title sa labang ginanap sa King Abdullah Spoerts City sa Jeddah, Saudi Arabia.
Nag-aabang lamang si Khan kung kailan matatapos ang krisis sa coronavirus disease (Covid-19) na malubha ring tumama sa England.
“I want to fight -- we just don’t know how long the coronavirus is going to last,” ani Khan.
Sa katunayan, binuksan ni Khan ang 60,000 square feet (5,600 square-metre) na naging venue ng kanyang kasal sa Bolton para magamit ng Britain National Health Service na pansamantalang quarantine home ng mga coronavirus patients.
Sa kabilang banda, abala rin si Pacquiao sa pagtulong sa mga kababayan nito sa Pilipinas.
Hulyo ang target date ni Pacquiao ngunit wala pang pinal na desisyon ang Pinoy champion kung itutuloy ito sa naturang petsa o ililipat sa ibang buwan dahil na rin sa Covid-19.