PSL Grand Prix kanselado na rin

MANILA, Philippines — Tuluyan nang kinansela ng Philippine Superliga (PSL) ang Grand Prix conference nito dahil sa mas pinalawak na community quarantine na ipinatutupad ng gobyerno para pigilan ang pagkalat ng coronavirus (Covid-19).

Pormal nang inihayag ni PSL chairman Philip Ella Juico na hindi na tatapusin ang Grand Prix para na rin sa kaligtasan ng mga manlalaro, coaches, officials at iba pang personalidad sa liga.

Pinayuhan nito ang lahat ng koponan na umuwi na sa kani-kanilang tahanan ang mga manlalaro, coaches maging ang mga foreign players na kasalukuyang nananatili sa bansa sa pag-asang matutuloy ang liga.

“We are putting the welfare of our fans and players above anything else,” wika ni Juico.

Pinag-aaralan pa ng PSL kung kailan posibleng ilipat ang liga.

Nabanggit ni Juico na isa ang Oktubre sa mga target date ng liga o kung kailan magiging maluwag ang schedule ng mga manlalaro partikular na ang mga imports na naglalaro base sa international transfer na nakasaad sa FIVB.

Ayon kay PSL president Ian Laurel, matinding pag-aaral at pagmamatyag ang ginawa ng mga opisyales ng liga bago maglabas ng desisyon.

“We needed to evaluate the situation and came up with this tough decision. But we will be back with a bang when all of these are over,” ani Laurel.

Nakatakdang magpulong ang mga team owners para pagplanuhan ang magiging hakbang ng liga.

Nasa bansa pa rin ang imports na sina Katherine Bell ng Petron Blaze Spiekrs, Lindsay Stalzer ng F2 Logistics, Tatjana Bokan ng Chery Tiggo, Maeva Orle ng PLDT Home Fibr at Shainah Joseph ng Sta. Lucia Realty.

Bago kanselahin ang mga laro, pare-parehong may 1-0 rekord ang Cargo Movers, Blaze Spikers, Lady Realtors, HD Spikers at Crossovers habang may 0-1 naman ang Marinerang Pilipina at parehong 0-2 ang Generika at PLDT Home Fibr. 

Show comments