MANILA, Philippines — Matatag ang kapit ni tennis teen sensation Alex Eala sa No. 4 spot sa latest world ranking na inilabas ng International Tennis Federation (ITF).
Bago makansela ang mga laro dahil sa coronavirus (COVID-19) pandemic, hindi natinag si Eala sa kanyang puwesto tangan ang 1,718.75 puntos sa likod nina No. 1 Victoria Jimenez Kasintseva ng Andorra (1,971.25), No. 2 Diane Perry ng France (1,967.50) at No. 3 Daria Snigur ng Ukraine (1,930.00).
Pinakamalaking puntos ang nakuha ni Eala nang magkampeon ito sa girls’ doubles sa prestihiyosong Grand Slam event na 2020 Australian Open na ginanap noong Enero sa Melbourne.
Nagkipagsanib-puwersa si Eala kay Indonesian Pariska Nugroho para masikwat ang korona.
Nagkamit si Eala ng 750 puntos sa naturang torneo.
Nagkampeon din si Eala sa singles sa Cape Town, South Africa noong Setyembre (500 points) habang may runner-up ito sa Osaka, Japan noong Oktubre (300 points).
Nakakuha rin ng titulo si Eala sa doubles sa Plantation tournament sa Amerika noong Disyembre at runner-up naman sa Offenbach event sa Germany noong Hunyo.
Dahil sa kanyang world ranking, awtomatiko na ang puwesto si Eala sa main draw ng mga Grade A at Grand Slam events kabilang na ang French Open, Wimbledon Championships at US Open.