MANILA, Philippines — Pumabor sa mga Pinoy cyclists ang pagkansela ng Tour of Thailand na ilalarga sana sa April 1-10 dahil hahaba ang kanilang preparasyon tulad ng pagpapakundisyon ng katawan.
Pepedal ang dalawang continental teams na 7Eleven Road Bike Philippines at Go for Gold sa nasabing International Cycling Union (UCI) 2.1 event na ilalarga na sa August 1 -10.
Halos dalawang Linggo na ang nakalipas, sumalang ang 7Eleven at Go for Gold sa 10th LBC Ronda Pilipinas 2020 na pinagwagian ng Standard Insurance-Navy ang overall team classification.
Nakopo naman ni Navy rider George Oconer ang titulo sa individual.
Subalit hindi pa masyadong makakapag-ensayo ang 7Eleven at Go for Gold, kailangan muna nilang tapusin ang idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte na isang buwan na enhance community lockdown sa Luzon.
Naging sanhi ng pagkaka-postponed ng nasabing event ay ang COVID-19 na kumakalat sa buong mundo.
Samantala, inanunsyo ng UCI na i-suspinde ang lahat ng rankings tournament.
“By freezing the points during the period indicated, the UCI is preserving sporting equity for the athletes,” statement ng UCI.