MANILA, Philippines — Tiniyak ni middle blocker Jaja Santiago na maglalaro ito sa national team sakaling muling bigyan ng pagkakataong maging bahagi ng pambansang koponan sa international competitions.
Hindi nasilayan sa aksiyon ang 6-foot-5 na si Santiago sa 2019 Southeast Asian Games dahil sa kanyang kontrata sa Ageo Medics sa Japan Volleyball League.
Nangako si Santiago na agad nitong tatanggapin ang offer kung iimbitahan itong maging miyembro ng national squad sa mga susunod na torneong lalahukan ng tropa.
“Siyempre kung bibigyan ulit ng chance na maglaro for national team, talagang tatanggapin ko. Masarap na maglaro na suot yung Philippine Team jersey,” ani Santiago.
Sa ikatlong sunod na taon, masisilayan sa aksiyon si Santiago sa Japan.
Panibagong kontrata ang inilatag ng Ageo Medics kay Santiago matapos tulungan ang Japanese club na masungkit ang tansong medalya sa nakalipas na season.
“Talagang gusto kong mag-stay sa Ageo dahil kumportable na ako sa kanila. Mahirap kasi yung kapag new team, new adjustment, new environment kaya kung saan ako kumportable, doon ako,” ani Santiago.
Malayo na rin ang narating ni Santiago.
Malaki na ang ipinagbago ng kanyang laro kumpara noong nasa Pilipinas pa ito.
“After nung season sa Japan, sinabihan na nila yung agent ko na maglaro ulit ako sa team nila,” dagdag ni Santiago.
Sa kabila ng kanyang panibagong kontrata sa Ageo Medics, bahagi pa rin si Santiago ng Chery Tiggo Crossovers na naglalaro sa PSL Grand Prix.
“Masaya ako dahil suportado ako ng Chery Tiggo. Sinabi lang nila na tapusin ko muna yung contract ko sa Japan bago ako maglaro sa kanila,” wika pa ni Santiago.
Inaasahang malaki ang maitutulong ni Santiago sa Crossovers katuwang si open hitter reinforcement Tatjana Bokan.