MANILA, Philippines — Maningning na tinapos ni Tokyo Olympics qualifier Eumir Felix Marcial ang kampanya nito matapos masikwat ang gintong medalya sa 2020 Asian-Oceanian Continental Olympic Qualifying Tournament na ginanap sa Prince Hamzah Hall sa Amman, Jordan.
Ibinuhos na ng 24-anyos Zamboanga City pride ang itinatagong alas nito para makuha ang 3-2 split decision win laban kay Abilkhan Amankul ng Kazakhstan sa gold-medal match ng men’s middleweight division.
Nakuha ni Marcial ang boto ng tatlong hurado mula Great Britain (29-28), Ireland (30-27) at Slovak Republic (29-28) habang pumabor naman sa Kazakh fighter ang mga judges galing Germany at Russia na parehong nagbigay ng 29-28 na puntos.
Maliban sa gintong medalya, bitbit ni Marcial ang tiket sa 2020 Olympic Games na idaraos sa Hulyo 24 hanggang Agosto 9 sa Tokyo, Japan.
“Sobrang saya ko po dahil nagbunga lahat ng paghihirap ko. Pero hindi pa po tapos ang laban dahil may Olympics pa. Mas lalo pa akong magsisikap sa training para paghandaan yun dahil alam kong mas matinding laban na ang haharapin ko sa Olympics,” ani Marcial na silver medallist sa AIBA Men’s World Championships noong nakaraang taon.
Bukod kay Marcial, masaya ring uuwi ng Pilipinas si SEA Games silver medallist Irish Magno dahil nakasiguro rin ito ng silya sa Tokyo Olympics.
Nagawa ito ni Magno matapos itarak ang unanimous decision win kay Qosimova Sumaiya ng Tajikistan sa boxoff sa women’s flyweight.
Si Magno ang kauna-unahang Pinay boxer na nagkwalipika sa Olympics.
Hindi pinalad sina AIBA Women’s World Championships Nesthy Petecio, SEA Games champion James Palicte at Carlo Paalam, SEA Games silver medallist Riza Pasuit at SEA Games bronze medallist Ian Clark Bautista.
Ngunit may tsansa pang makapasok sa Olympics ang mga ito sa AIBA World Olympic qualifying na idaraos sa Mayo sa France.
Sa kabuuan, apat na ang Pinoy na masisilayan sa Olympics.
Kasama nina Marcial at Magno sina world champion Carlos Edriel Yulo ng gymnastics at SEA Games pole vault record holder Ernest John Obiena ng athletics.