MANILA, Philippines — Matapos idiklara ng World Health Organization (WHO) bilang pandemic na ang sitwasyon ng Covid-19, inilagay agad ng Philippine Sports Commission ang Rizal Memorial Sports Complex sa Manila at Philsports Complex sa Pasig City na “restricted access” para masiguro ang kalusugan ng mga national athletes, employees at ng publiko.
“We have to be pro-active in this situation and take these hard decisions for the safety of our athletes and employees,” pahayag ni PSC Chairman William Ramirez.
Bukod sa mga atletang sasabak sa iba’t ibang Olympic qualifying competitions, pinayuhan ng PSC ang ibang miyembro ng national team at juniors’ team na umuwi lamang muna sa kanilang tahanan upang mabakante ang mga dormitoryo bilang bahagi sa planong pag-iingat.
“Only those who get an endorsement to proceed from Olympics Chef de Mission Nonong Araneta will be allowed to travel oversea,” dagdag ni Ramirez.
Lahat naman ng mga atleta na bumabalik sa bansa mula sa international competitions ay sasalubungin ng mga PSC personnel at tutulungan sa pagsakay sa eroplano, barko o bus patungo sa kanilang probinsiya.
Kung kinakailangan, dadaan din ang mga atleta sa 14-day “preventive rest and monitoring” sa loob ng RMSC North Tower sa gabay ng medical team ng ahensiya.
Ang iba’t ibang biyahe ng mga atleta, coaches, officials at mga empleyado ay suspendido rin para maiwasan ang coronavirus.
Ayon naman kay PSC Chief of Staff Marc Edward Velasco na ang Medical at Scientific Athletes Services ay maglalabas ng self-quarantine guidelines para sa mga atleta at empleyado ng ahensiya.