MANILA, Philippines — Kahit ano pa man ang maging resulta sa magkahiwalay na Division Finals, matagumpay na rin ang kampanya ng Basilan Steel at Makati Super Crunch sa 2019-2020 MPBL-Chooks-to-Go Lakan Cup.
Hindi inaasahan na aabot ang Basilan Steel sa best-of-three Finals ng Southern Division makaraang tumapos lamang ang tropa ni head coach Jerson Cabiltes sa pang-12th spot sa 7-18 kartada sa nakalipas na Datu Cup.
Bukod sa pagtuntong sa Finals ay inunahan pa ng Basilan ang Datu Cup South Division champion Davao Occidental Tigers, 1-0, matapos makaeskapo sa Game 1 ng serye, 74-72, noong Lunes sa homecourt mismo ng katunggali.
Sinabi ni coach Cabiltes at team manager Jackson Chua na malakas na ang tiwala ng buong koponan na masungkit ang una nilang titulo sa South group sa Game Two ng serye sa kanila ring teritoryo.
Inaasahan din nina Basilan Rep. Mujiv Hataman, Lamitan Mayor Julz Hataman, Councilor Hegem Furigay at Jimmy de la Cruz ng Jumbo Plastics ang dagsa ng kanilang taga-suporta sa laro na gaganapin sa Lamitan City Gym na siyang sasandalan ng buong koponan sa Miyerkules.
Ang Basilan at Davao Tigers ay kasalukuyang naglalaban habang isinusulat ang istoryang ito.
Ang Makati naman ay umangat sa Northern Division Finals sa unang pagkakataon matapos walisin ng Quezon City Capitals, 2-0, sa quarterfinals ng Datu Cup Conference na pinagharian ng San Juan Knights.
Kasalukuyang nagla-laro rin ang Makati at San Juan habang sinusulat ang istoryang ito sa teritoryo ng huli sa Makati Coliseum.