MANILA, Philippines — Pinadapa ng Chery Tiggo Crossovers ang PLDT Home Fibr Hitters, 18-25, 21-25, 25-22, 28-26, 15-12, para masungkit ang ikalawang panalo kahapon sa closed-door match ng 2020 Philippine Superliga Grand Prix sa FilOil Flying V Center sa San Juan City.
Alinsunod sa deklarasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na State of Public Health Emergency, nag-desisyon ang PSL management na gawing closed-door ang pagdaraos sa ika-apat na playing dates ng kumpetisyon bilang bahagi ng pag-iingat kontra sa Covid-19.
Tumapos ang 31-anyos na si Tatjana Bokan ng Montenegro ng kabuuang 34 puntos kabilang na ang 29 atake at limang aces para umangat sa 2-1 win-loss kartada at ipalasap sa PLDT Hitters ang kanilang ikatlong sunod na talo.
Unang natalo ang Crossovers sa Petron Blaze Spikers sa straight sets, 17-25, 22-25, 21-25, noong Marso 7, bago bumalikwas nang kanilang resbakan ang Marinerang Pilipina, 25-20, 27-29, 25-21, 25-21 at makapasok sa win column noong Marso 3.
Matapos maiwanan sa unang dalawang sets, 0-2, bumawi ang Crossovers sa ikatlong set, 25-22, na natapos sa 25 minuto at sinundan ng 28-26 panalo sa fourth set upang ipursige ang deciding set.
Pumuntos si Bokan ng dalawang sunod na atake para sa 6-0 bentahe sa fifth set at binitiwan ang malakas na atake upang tapusin ang laro na umabot ng dalawang oras at 15 minuto.
“After we were behind by two sets, I told my teammates that we should start over again. And that was it. We were able to get the win,” sabi ni Bokan.
Sa kanilang talo, nasayang din ang mahigit 51 puntos mula sa 49 atake at dalawang aces ng import ng PLDT na si Maeva Orle ng France.