MANILA, Philippines — Maagang tutulak sa Tokyo, Japan ang Team Philippines para sumailalim sa quarantine period at health check requirements na kailangan bago sumalang sa 2020 Olympic Games na gaganapin sa Hulyo 24 hanggang Agosto 9.
Ito ang inihayag ni chef de mission Nonong Araneta kahapon kung saan plano nitong ipadala ang pambansang delegasyon dalawang linggo bago magsimula ang quadrennial meet.
Ang aksiyon ay bunsod ng kumakalat na coronavirus disease na libu-libong tao na ang tinamaan sa iba’t ibang panig ng mundo at mayroon nang mahigit 3,000 na namatay dahil dito.
Wala pang opisyal na desisyon ang International Olympic Committee at Tokyo Olympics organizers kung ipagpapaliban muna o tuluyan nang kakanselahin ang Olympics.
Kaya naman tuloy lang ang paghahanda ng Team Philippines para rito.
“Walang official cancellation, walang official postponement, so we’re preparing as if it will go on as planned,” ani Araneta.
Sa katunayan, tatlong Pinoy athletes na ang opisyal na mapapasama sa Tokyo Games.
Ito ay sina world champion Carlos Edriel Yulo ng gymnastics at SEA Games pole vault record holder Ernest John Obiena ng athletics na nadagdagan pa sa ngalan ni Eumir Felix Marcial na nakahirit ng tiket sa Olympics sa ginaganap na 2020 Asian-Oceanian Continental Olympic Qualifying Tournament sa Amman, Jordan.
May 64 atleta pa mula sa archery, athletics, swimming, basketball, boxing, cycling, canoe-kayak, fencing, golf, gymnastics, judo, karate, rowing, skateboarding, table tennis, taekwondo, triathlon, weightlifting at wrestling ang lumalaban para sa Olympic slot.
May 18 sa mga ito ang may pinakamalakas na tsansang makapasok sa Tokyo Games kabilang na si Rio Olympics silver medallist Hidilyn Diaz ng weightlifting.