Cone o Austria sa Coach of the Year

Ang nasabing kara­ngalan ay ibibigay ng PBA Press Corps sa kanilang Annual Awards Night sa Marso 16 sa Novotel Manila sa Araneta City.
File

MANILA, Philippines — Matindi ang pag-aagawan nina Leo Austria ng San Miguel at Tim Cone ng Barangay Ginebra para makopo ang 2019 Virgilio ‘Baby’ Dalupan Coach of the Year award.

Ang nasabing kara­ngalan ay ibibigay ng PBA Press Corps sa kanilang Annual Awards Night sa Marso 16 sa Novotel Manila sa Araneta City.

Iginiya ni Austria ang mga Beermen sa dalawang korona sa nakaraang Season 44 matapos angkinin ang kanilang record na pang-limang sunod na PBA Philippine Cup at ang Commissioner’s Cup.

Dahil dito ay hinangad ng San Miguel ang PBA Grand Slam.

Ngunit sinibak ng Gin Kings ni Cone ang Beermen sa kanilang quarterfinals match at tuluyan nang inangkin ang PBA Governor’s Cup laban sa karibal na Meralco Bolts.

Sa gitna ng kanilang championship campaign ay tinulungan ni Cone ang Gilas Pilipinas sa pagsikwat sa men’s basketball gold medal ng 30th Southeast Asian Games na kinabibilangan ng ilang Ginebra players.

Sina Cone at Austria ay tatlong beses nang hinirang bilang Coach of the Year.

Nakamit ni Cone ang award noong 1994, 1996 at 2014 habang si Austria ang bumandera noong 2015, 2016 at 2017 para maging unang coach na nag-uwi ng Dalupan trophy.

Ibibigay din ang Danny Floro Executive of the Year at iba pang regular awards sa ika-26 anibersaryo ng PBAPC awards night na inihahandog ng Cignal TV.

Sa ikalawang sunod na taon ay igagawad ng PBAPC ang President’s Award bukod pa sa Defensive Player of the Year, Mr. Quality Minutes, All-Rookie Team at Order of Merit.

Show comments