MANILA, Philippines — Puntirya ng De La Salle University na makisosyo sa liderato sa pagsagupa nito sa University of the Philippines (UP) sa pagpapatuloy ng UAAP Season 82 women’s volleyball tournament ngayong hapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Magtutuos ang Lady Spikers at Fighting Maroons sa alas-3:30 ng hapon kung saan pakay ng La Salle na samahan sa tuktok ng standings ang National University na may imakuladang 2-0 marka.
Mainit ang debut ng La Salle nang pabagsakin nito ang reigning champion Ateneo de Manila University, 25-17, 17-25, 25-17, 25-15, para magarbong simulan ang kampanya nito.
Kumuha ng lakas ang Lady Spikers kina veteran outside hitter Tin Tiamzon at sophomore Jolina Dela Cruz ngunit malaki ang nai-ambag ng mga rookies gaya nina 6-foot-4 middle blocker Thea Gagate at opposite hitter Leila Cruz.
Nagtala si Tiamzon ng 17 points, 13 receptions at 12 digs habang tumipa naman si Dela Cruz ng 13 markers.
Maagang nagparamdam si Gagate na naglista ng 10 puntos kabilang ang limang blocks samantalang may siyam na hits si Cruz.
Mataas din ang morale ng Fighting Maroons dahil galing ito sa 25-23, 25-20, 18-25, 25-17 panalo sa University of the East noong linggo para pumasok sa win column tangan ang 1-1 marka.
Nakatakda rin ang duwelo ng UP at La Salle sa men’s division sa alas-2 ng hapon.