MANILA, Philippines — Hindi na napigilan ang nagdedepensang Petron at Sta. Lucia sa pagpoposte ng kani-kanilang ikalawang sunod na arangkada.
Pinatumba ng Blaze Spikers ang Chery Tiggo Crossovers, 25-17, 25-22, 25-21, at giniba ng Lady Realtors ang Marinerang Pilipina Lady Skippers, 25-19, 21-25, 30-28, 25-20, sa 2020 Philippine Superliga (PSL) Grand Prix kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Kapwa itinala ng Petron at Sta. Lucia ang kani-kanilang 2-0 kartada sa torneo.
Pinamunuan ni American import Khat Bell ang Blaze Spikers mula sa kanyang 21 points sa likod ng 20 attacks at isang block.
Nakahugot ng suporta si Bell kina national team members Ces Molina at Aiza Maizo-Pontillas na nagbigay ng 16 at 9 markers, ayon sa pagkakasunod.
Humataw naman para sa Sta. Lucia si veteran Honey Royse Tubino na tumipa ng 24 points mula sa 22 attacks at 2 aces.
Nalasap ng Crossovers ang unang kabiguan sa dalawang laro, samantalang nahulog naman sa 0-2 ang kartada ng Lady Skippers.