MANILA, Philippines — Ilalabas na nina Eumir Felix Marcial at Nesthy Petecio ang lahat ng alas nito para makahirit ng Olympic slots sa pagharap sa kani-kanilang quarterfinal matches ngayong araw sa 2020 Asian-Oceanian Continental Olympic Qualifying Tournament na ginaganap sa Prince Hamzah Hall sa Amman, Jordan.
Susuntok ang three-time Southeast Asian Games gold medalist na si Marcial laban kay Otgonbaatar Byamba-Erdene ng Mongolia sa men’s middleweight class habang aariba naman ang AIBA Women’s World Championships gold medalist na si Petecio kontra kay Japanese Sena Irie sa women’s featherweight.
Parehong nagtala ng buenamanong panalo sina Marcial at Petecio para makalapit sa inaasam na puwesto sa Olympic Games na idaraos sa Hulyo 24 hanggang Agosto 9 sa Tokyo, Japan.
Nakasiguro ng opening-round bye ang AIBA Men’s World Championships silver medalist na si Marcial bago iselyo ang impresibong 5-0 unanimous decision win laban kay Kirra Ruston ng Australia sa second round.
Matikas din ang umpisa ni Petecio na kinubra ang 5-0 unanimous decision win laban kay Krismi Lankapurayalage ng Sri Lanka sa second round.
Tulad ni Marcial, nabiyayaan din si Petecio ng first-round bye.
“Ibibigay ko na talaga ang lahat dahil ito na yung best chance ko para maging Olympian. Matagal din akong naghanda para rito kaya sobrang focused talaga ako,” pahayag ni Petecio.