Makati humirit ng game 3
MANILA, Philippines — Tinangay na ng San Juan Knights ang unang Finals slot ng Northern Division matapos muling pataubin ang Pampanga Giant Lanterns, 91-83, sa pagpapatuloy ng 2019-2020 MPBL-Chooks-to-Go Lakan Cup semifinal round sa San Andres Sports Arena sa Malate, Manila.
Ngunit nabigo naman ang Manila Stars sa pag-angkin sa ikalawang Division Finals berth pagkaraang yumuko sa Makati Super Crunch, 59-75, para itabla ang best-of-three semifinal series, 1-1.
Pag-aagawan ng Manila Stars at Makati Super Crunch ang ikalawang Finals slot sa deciding Game 3 ngayong araw sa parehong venue.
Tangan ng Manila ang homecourt advantage bilang No. 2 seed laban sa No. 3 seed Makati.
Gamit ang mahigpit na full court press, sumandal ang Datu Cup champion San Juan kina MVP contender John Wilson, Jhonard Clarito, Mike Ayonayon at CJ Isit tungo sa 2-0 win sa kanilang serye.
Sa kanilang ikalawang sunod na Finals stint, maghihintay pa ng makakalaban ang tropa ni head coach Randy Alcantara sa mananalo sa pagitan ng Manila at Makati.