Davao, Basilan kumakaway sa Finals

MANILA, Philippines — Umarangkada ang Ba­silan Steel sa huling yugto para pataubin ang Bacoor Strikers, 77-63, habang tinambakan ng Davao Tigers ang Zamboanga, 47-28, sa Game 1 ng best-of-three semifinal series ng Southern Division sa 2019-2020 MPBL-Chooks-to-Go Lakan Cup sa Rizal Memorial College Gym sa Davao City.

Kumonekta si Allyn Bulanadi ng triples para simulan ang 18-2, run ng third seed Basilan tungo sa sorpresang panalo kontra sa No. 2 seed Bacoor at itakas ang 1-0 lead sa serye.

Tumapos si Bulanadi ng 22 puntos, tatlong rebounds, dalawang assists at dalawang steals at 13 puntos na may kasamang tatlong rebounds at anim na assists mula kay Hesed Gabo para ilapit ang Basilan sa isang hakbang sa una nilang South division Finals.

“I just told the boys to stay composed and to continue what they were doing right which is to put pressure on the ball,” sabi ni Basilan head coach Jerson Cabiltes.

Sinamantala rin ng tropa ni Cabiltes ang pagkawala ni Gab Banal dahil sa left knee injury mahigit 1:19 pa ang natitira sa ikalawang yugto.

Samantala, tatangkain ng Davao at Basilan Steel na ipormalisa ang kanilang paghaharap sa South Division Finals sa Game 2 bukas sa Strike Gym sa Bacoor City, Cavite.

Show comments