Acot tiwala sa kakayahan ng Makati

MANILA, Philippines —  Matapos ipasok ang No. 3 seed Makati Super Crunch sa semifinal round ng Northern Division, malaki ang tiwala ni head coach Beaujing Acot na malalampasan ng tropa ang hamon ng No. 2 seed Manila Stars sa kanilang paghaharap sa best-of-three series simula bukas sa pagpapatuloy ng 2019-2020 MPBL-Chooks-to-Go Lakan Cup sa FilOil Flying V Center sa San Juan City.

“If we are consistent on defense and communicate on offense, we’ll be able to put up a good fight,” pahayag ni Acot, na pumalit kay Cholo Villanueva bilang head coach ng Makati.

Tumapos ang Super Crunch sa 22-8 win-loss kartada para sa ikatlong puwesto sa likuran ng na­ngungunang San Juan Knights (26-4) at pumapangalawang Manila Stars (25-5) sa Northern group.

Sa gabay ni Acot, tulu­yang pinatalsik ng Super Crunch ang No. 6 seed Bulacan Kuyas, 2-0, sa best-of-three quarterfinals upang tumuntong sa semis sa unang pagkakataon matapos walisin ng Quezon City Capitals, 0-2, sa quarterfinals noong naka­raang Datu Cup.

Malaki umano ang na­tutunan ni Acot sa kabi­guan ng Makati na pumasok sa semis sa nakalipas na Datu Cup sa pangunguna ni da­ting coach Villanueva.

Sasandal si Acot kina Joseph Sedurifa, June Kenneth Mocon, Roy Ca­yanan, Rudy Lingganay, Cedric Ablaza, John Rey Villanueva, James Mangahas, Carlos Morales, David Carlos, Joseph Manla­ngit, Gio Lasquety, Jaycee Asuncion at Jeckster Apinan.

Show comments