Acot tiwala sa kakayahan ng Makati
MANILA, Philippines — Matapos ipasok ang No. 3 seed Makati Super Crunch sa semifinal round ng Northern Division, malaki ang tiwala ni head coach Beaujing Acot na malalampasan ng tropa ang hamon ng No. 2 seed Manila Stars sa kanilang paghaharap sa best-of-three series simula bukas sa pagpapatuloy ng 2019-2020 MPBL-Chooks-to-Go Lakan Cup sa FilOil Flying V Center sa San Juan City.
“If we are consistent on defense and communicate on offense, we’ll be able to put up a good fight,” pahayag ni Acot, na pumalit kay Cholo Villanueva bilang head coach ng Makati.
Tumapos ang Super Crunch sa 22-8 win-loss kartada para sa ikatlong puwesto sa likuran ng nangungunang San Juan Knights (26-4) at pumapangalawang Manila Stars (25-5) sa Northern group.
Sa gabay ni Acot, tuluyang pinatalsik ng Super Crunch ang No. 6 seed Bulacan Kuyas, 2-0, sa best-of-three quarterfinals upang tumuntong sa semis sa unang pagkakataon matapos walisin ng Quezon City Capitals, 0-2, sa quarterfinals noong nakaraang Datu Cup.
Malaki umano ang natutunan ni Acot sa kabiguan ng Makati na pumasok sa semis sa nakalipas na Datu Cup sa pangunguna ni dating coach Villanueva.
Sasandal si Acot kina Joseph Sedurifa, June Kenneth Mocon, Roy Cayanan, Rudy Lingganay, Cedric Ablaza, John Rey Villanueva, James Mangahas, Carlos Morales, David Carlos, Joseph Manlangit, Gio Lasquety, Jaycee Asuncion at Jeckster Apinan.
- Latest