NAGA City, Philippines — May bagong magsusuot ng Red Jersey sa 2020 LBC Ronda Pilipinas, ito’y matapos manalo ni Jerry Aquino Jr. sa Stage 3 na nagsimula sa Legaspi City at nagtapos sa Panganiban Drive kahapon.
Humarurot sa huling 100 metro ng karera ang 27-anyos na si Aquino upang ungusan sa dikdikang labanan sina Ronnel Hualda ng Go For Gold, Dominic Perez ng Bicycology Shop-Army at Aidan James Mendoza ng 7Eleven Cliqq-Air21 by Roadbike Philippines.
Nirehistro ng taga-Makati, na si Aquino ang tiyempong dalawang oras, 47 minuto at 12 segundo sa 119km sapat upang patalsikin si Stage 1 winner Mark Julius Bordeos ng Army sa overall individual classification.
Nabiyayaan ng 10-second time bonus si Aquino sa kanyang panalo at nakalikom ito ng siyam na oras, 43 minuto at 39 segundo matapos ang tatlong Stages.
Isusuot ni Aquino ang LBC Red Jersey paglarga ng 206km Stage Four ngayong araw, ang pinakamahabang karera sa 10-stage race na magsisimula sa Daet, Camarines Norte at magtatapos sa Lucena.
Dumating na segunda si Hualda, tersero si Perez habang pang-apat at pang-lima sina Mendoza at two-time champion Jan Paul Morales ng Standard Insurance-Navy ayon sa pagkakasunod.
Nalaglag sa No. 2 ng IC sa event na suportado ng LBC at inisponsoran ng Manny V. Pangilinan Sports Foundation kasama ang Versa, 8A Performance, Print2Go, Petron, Green Planet, Bike Xtreme, Standard Insurance, Spyder, CCN, Lightwater, Prolite, Guerciotti, Black Mamba, Boy Kanin, Vitamin Boost, NLEX-SCTEX, Maynilad, 3Q Sports Event Management Inc., LBC Foundation at PhilCycling si Bordeos.
Sinamantala ni Aquino ang bantayan ng Navy at 7Eleven Cliqq-Air21, pinakiramdaman nito ang dalawang nabanggit na teams at nang makakita ng butas ay umatake ito.
Nasa pangatlong puwesto ng IC si George Oconer ng Navy, pang-apat si Rustom Lim habang si former champion Mark Galedo ay nasa ika-5 puwesto. NM