MINNEAPOLIS -- Humataw si Gordon Hayward ng 29 points habang nagtala si center Daniel Theis ng mga career highs na 25 points at 16 rebounds para tulungan ang Boston Celtics sa 127-117 pagpapatumba sa Minnesota Timberwolves.
Nagdagdag si Jayson Tatum ng 28 points at 11 rebounds at may 25 markers si Jalen Brown para sa Celtics na naglaro nang wala si All-Star Kemba Walker bunga ng minor knee injury.
Sinalo ni Marcus Smart ang trabaho ni Walker at naglista ng 10 points at season-high 10 assists para sa pang-siyam na panalo ng Celtics sa huli nilang 10 laro.
Binanderahan ni Malik Beasley ang Timberwolves mula sa kanyang 27 points.
Sa Los Angeles, naglista si LeBron James ng 32 points at kumolekta si Anthony Davis ng 28 points at 13 rebounds sa 117-105 pagdaig ng Lakers sa Memphis Grizzlies.
Nag-ambag si Avery Bradley ng 14 points para sa Western Conference-leading na Lakers, naisuko ang 25-point lead sa Grizzlies.
Nagpasabog si Josh Jackson ng season-high 20 points sa ikalawang dikit na pagkatalo ng Memphis sa California at nagtala si Ja Morant ng 17 points.
Sa Orlando, tumapos si Luka Doncic na may 33 points, 10 rebounds at 8 assists sa 122-106 paglampaso ng Dallas Mavericks sa Magic.
Nagdagdag si Maxi Kleber ng career-high 26 points mula sa bench para sa 19-8 road record ng Mavericks ngayong season.
Nagrehistro si Kristaps Porzingis ng 24 points at 10 rebounds habang may 16 markers si Tim Hardaway Jr. para sa Dallas.
Pinangunahan ni Evan Fournier ang Magic mula sa kanyang 28 points at naglista si Nikola Vucevic ng 27 points at 12 rebounds habang may 19 markers si Terrence Ross.
Sa Portand, tumipa si top rookie Zion Williamson ng 25 points para tulungan ang New Orleans Pelicans sa 128-115 paggiba sa Trail Blazers.
Ito ang ika-11 laro ng No. 1 draft pick matapos ang right knee injury na nagpaupo sa kanya sa unang bahagi ng season.