MANILA, Philippines — Kinumpleto ng Pasay Voyagers ang playoff round casts sa Northern Division matapos pataubin ang Mindoro Tamaraws, 84-72, sa pagpapatuloy ng 2019-2020 Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL)-Chooks-to-Go Lakan Cup elimination round sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Umani ng double digits sina Jaypee Belencion, Archie Inigo, Elmer Moradas, Raymond Ilagan at Jan Jamon upang iangat ang Voyagers sa 17-13 win-loss kartada pagkatapos ng elimination round at angkinin ang 8th spot sa Northern Division.
Bukod sa Pasay, ang iba pang koponan na pumasok sa 8-team quarterfinal sa Northern group ay ang top team San Juan (25-4), Manila (24-5), Makati (21-8), Pampanga (20-9), Bulacan (19-10), Bataan (19-10) at Pasig-Sta. Lucia Realtors (18-11).
Tinambakan din ng San Juan Knights ang Caloocan, 111-88, para manatili sa No. 1 spot sa North group at tapusin ang pag-asa ng Supremos na makapasok sa playoff round.
Sa iba pang laro, nilampaso ng Batangas City Athletics ang Bacolod Master’s Sardines, 63-54, para makopo ang ika-17th panalo sa 28 laro at masiguro ang pagpasok sa susunod na round.