MANILA, Philippines — Nasungkit ni veteran cue master Lee Vann Corteza ang kampeonato sa 9-Ball event ng prestihiyosong 2020 Derby City Classic na ginaganap sa Caesars Southern Indiana Casino and Hotel sa Elizabeth, Indiana.
Ibinuhos na ni Corteza ang itinatago nitong lakas para matikas na pabagsakin si world No. 1 Joshua Filler ng Germany sa pamamagitan ng 11-4 demolisyon sa championship round.
Sinamantala ni Corteza ang ilang mintis na nagawa ni Filler para tuluyang maitala ang mabilis na panalo at maibulsa ang tumataginting na $16,000 papremyo.
Nagkasya lamang si Filler sa $8,000 runner-up purse.
Ito ang kauna-unahang titulo ni Corteza sa Derby City Classic matapos ang ilang taong pagtatangkang makasungkit ng korona sa naturang multi-event tournament na nilahukan ng mahigit 100 matitikas na cue masters sa mundo.
Kasama rin sa mga pinatumba ni Corteza sina Shane Van Boening ng Amerika, kababayang sina Francisco ‘Django’ Bustamante at Dennis Orcollo, dating world champion Mika Immonen ng Finland.
Hindi rin nakaporma sa tikas ni Corteza sina John Gabriel, Maksin Dudanets, Alex Olinger, Deomark Alpajora, Chad Elston, David Johnson at Michael Durbin.
Bukod kina Corteza, Bustamante at Orcollo, naglaro rin ang iba pang Pinoy cue masters na sina James Aranas, Roberto Luna, Warren Kiamco, Jeffrey de Luna at Filipino-Canadian Alex Pagulayan.
Magandang bawi ito para kay Corteza na nagkasya lamang sa ika-10 puwesto sa Derby City Classic-Diamond Bank Pool event at ika-25 naman sa Derby City Classic-One Pocket event.
Una nang pinagharian ni Orcollo ang Derby City Classic-Diamond Bank Pool event noong Biyernes kung saan winalis niya ang lahat ng kanyang asignatura para kunin ang $16,000 premyo.