MANILA, Philippines — Puntirya ng San Beda University na makuha ang importanteng panalo laban sa Emilio Aguinaldo College para palakasin ang kanilang pag-asa sa Final Four sa NCAA Season 95 women’s volleyball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Nakatakda ang duwelo ng Lady Red Spikers at Lady Generals ngayong alas-12 ng tanghali, habang masisilayan ang salpukan ng Jose Rizal University at Mapua University sa alas-2 ng hapon.
Nais ng San Beda (3-2) na kumalas sa two-way tie sa No. 4 spot kung saan kasalo nila ang Colegio de San Juan de Letran na mayroon ring 3-2 baraha.
Hangad din ng Lady Red Spikers na makabangon mula sa two-game losing skid kabilang ang 25-17, 18-25, 22-25, 22-25 pagyuko sa nangungunang College of Saint Benilde noong nakaraang linggo.
Maganda naman ang galaw ng San Beda, ngunit maraming bagay ang kailangan pa nilang ayusin, partikular na sa mga huling bahagi ng sets kung saan nakakagawa sila ng mga krusyal na errors.
Nariyan sina wing spikers Cesca Racraquin at Nieza Viray na tunay na maaasahan sa pagbibigay ng malalaking puntos lalo na sa opensa.
Nakakagawa rin ng double-digit output sina Trisha Paras at Ella Viray gayundin si playmaker Lynne Matias.
Pinapaborang manalo ang San Beda dahil wala pang panalo ang EAC sa limang pagsalang.
Subalit hindi dapat maging kampante ang Lady Red Spikers dahil gigil ang Lady Generals na makasampa sa win column.