BOSTON -- Nagsalpak si Gordon Hayward ng 25 points para pamunuan ang Celtics sa 119-104 paggiba sa Golden State Warriors.
Nagdagdag si Marcus Smart ng 21 points, ang 17 rito ay iniskor niya sa second half sa gabing binigyan ng Boston ng tribute si Kobe Bryant na namatay sa isang helicopter crash.
Nagbalik si Jayson Tatum sa lineup ng Celtics matapos hindi makita sa tatlong laro bunga ng right groin strain at tumipa ng 20 points.
Binanderahan naman ni D’Angelo Russell ang Warriors, nalasap ang pang-limang dikit na kabiguan, mula sa kanyang 22 points.
Matapos iwanan ng Golden State sa first period ay naglunsad ang Boston ng 18-7 atake sa pagtatapos ng nasabing yugto patungo sa pagtatala ng 19-point lead sa fourth quarter.
Sa Denver, umiskor si center Nikola Jokic ng 28 points, kasama ang anim sa huling dalawang minuto, bukod pa sa 10 assists para ihatid ang Nuggets sa 106-100 panalo kontra sa Utah Jazz.
Sa Atlanta, humataw si All-Star guard Trae Young ng 39 points at nagtala ng career-high 18 assists para pamunuan ang 127-117 panalo ng Hawks laban sa Philadelphia 76ers.
Sa Cleveland, kumamada si forward Serge Ibaka ng 26 points at may 23 markers si guard Kyle Lowry para igiya ang Toronto Raptors sa 115-109 paggupo sa Cavaliers.
Sa Los Angeles, tumipa si De’Aaron Fox ng 34 points sa 124-103 paggiba ng Sacramento Kings sa Los Angeles Clippers.