MANILA, Philippines — Humakot ng kabuuang tatlong ginto at tatlong tansong medalya ang Pinoy weightlifting team sa 2020 Roma Weightlifting World Cup sa Pala Pellicone sa Italy.
Nag-ambag ng dalawang tansong medalya si Southeast Asian Games gold medallist Kristel Macrohon sa women’s 71-kilogram ng bakbakan sa world meet.
Bumuhat si Machrohon ng 115 kgs. sa clean and jerk at nagsumite ng kabuuang 209 kgs. (total) para makuha ang tansong medalya sa mga naturang events.
Hindi masaya si Macrohon sa resulta matapos bigong mapantayan ang kanyang 123 kgs. sa clean and jerk na nakuha niya noong 2019 SEA Games sa Maynila.
“Nanghihinayang po ako kasi sa SEA games po 123kg na po ‘yung binuhat ko sa clean and jerk, ngayon po bumaba pa. Pero thankful pa rin po ako dahil umabot po ako sa podium,” ani Macrohon.
Nauna nang sumiguro ng tatlong ginto si Asian Games at Southeast Asian Games champion Hidilyn Diaz sa women’s 55 kg. class sa snatch (93 kgs.), clean and jerk (119 kgs.) at total (212 kgs.)
Nagpasalamat ang buong koponan sa suportang ibinigay ng Philippine Sports Commission na gumastos ng P2.2 milyon para sa world meet.
Bukod pa ang P1.7 milyong suporta para sa team ni Diaz.
Isang tansong medalya rin ang nabuhat ni John Febuar Ceniza sa men’s 61 kg. division.
Matapos ang Roma World Cup, sunod na sasalang ang mga Pinoy lifters sa 2020 IWF Asian Championships sa Kazakhstan.