MANILA, Philippines — Sasabak ang 17-man team ng Swim Pinas sa 2020 Tokyo Swimming Winter Championships sa Pebrero 1 sa Setagaya, Tokyo, Japan para sa international exposure ng mga Pinoy age-group swimmers.
Hangad ng mga batang tankers ni coach Virgilio de Luna na mapaganda ang kanilang mga personal best time laban sa host team at iba pang karatig na bansa sa Southeast Asia.
Paghahanda na rin ito ng tropa sa qualifying meet para sa pagpili ng mga miyembro na isasabak sa ASEAN age group championship.
“Malaking bagay po ang international exposure ng ating mga swimmers. Mas mabi-build-up ‘yung confidence nila, mas madali silang maka-adopt sa kompetisyon at mawala ‘yung kaba,” sabi ni team manager Joan Mojdeh, ang founder ng Swimming Pinas Swim Club.
Nagsasagawa ng buwanang torneo ang Swim Pinas batay sa programa ng PSI sa grassroots level, ngunit iginiit ni Mojdeh na malaki ang naitutulong sa pag-unlad ng mga batang tankers ang pagsali sa mga international competitions.
“Kami naman po sa Swim Pinas ay talagang naghahanap ng mga tutulong para mapondohan ang ating mga swimmers. Regular ang aming mga tournament, pero iba pa rin ang build up kapag may exposure abroad,” dagdag ni Mojdeh, ina ni National junior record holder Micaela Jasmine Mojdeh.
Kasama rin sina assist. coach Rossbenor Antay at Johnson Maulion.