Risers giniba ang Warriors para sa fourth spot
MANILA, Philippines — Nalimitahan ng Bataan Risers ang General Santos Warriors sa dalawang puntos sa huling 2:50 minuto para itakas ang 74-66 panalo sa Chooks-to-Go-Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) Lakan Cup sa Bataan People’s Center sa Balanga, Bataan.
Matapos maitabla ng Warriors ang iskor sa 64-64, rumagasa sina Reed Juntilla, John Bryron Villarias, Alfred Ryan Batino at Archie Iñigo ng 10-2 atake para itaas ang Bataan sa 19-9 kartada at manatiling hawak ang ikaapat na puwesto sa Northern Division.
Tumapos si Batino na may 20 points, habang nagtala ng 13 points, 13 boards at 6 assists si Villarias para iwanan ang Bulacan Kuyas at Pampanga Giant Lanterns na kapwa tangan ang 18-9 marka sa Northern Division.
Nagdagdag din ng 12 points si Iñigo at may 10 markers si Martin Gozum para ihulog ang Warriors sa pang-apat na puwesto sa 16-10 card sa Southern Division.
Pinangunahan ni Christopher Masaglang ang GenSan sa kanyang 16 points, 4 rebounds at 3 assists at may 10 markers at 4 boards si Jujo Bautista.
Sa iba pang laro, nagwagi ang Pasay Voyagers laban sa Biñan City, 68-57, at inilampaso naman ng Zamboanga Family Sardines ang Muntinlupa Cagers, 75-63, upang makamit ang pang-17 panalo sa 28 laro at manatili sa ika-limang puwesto sa South division.
- Latest