MANILA, Philippines — Dumaan muna sa butas ng karayom ang University of Perpetual Help System Dalta bago ilusot ang 20-25, 24-26, 25-18, 25-12, 15-6 come-from-behind win laban sa Mapua University kahapon sa NCAA Season 95 women’s volleyball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Naging sandalan ng Season 94 runner-up Lady Altas ang malalim nitong karanasan para pigilan ang Lady Cardinals partikular na sa mga krusyal na sandali upang makuha ang ikatlong panalo sa apat na pagsalang at tumatag sa solong ikaapat na puwesto.
Apat na miyembro ng Perpetual Help ang nagtala ng double digits sa pangunguna ni veteran wing spiker Bianca Tripoli na bumanat ng 20 markers – lahat galing sa attack line.
Nag-ambag si Jhona Rosal ng 15 puntos at 13 digs habang umani naman si Shrya Umandal ng 14 puntos tampok ang apat na blocks.
Nakatulong si second stringer Dana Persa na umukit ng 13 puntos para sa Lady Altas.
Gumulong ang Lady Cardinals sa 1-2 baraha.
Sa unang laro, nakabangon ang San Beda University sa malamyang simula para pigilan ang Colegio de San Juan de Letran, 24-26, 25-19, 25-18, 25-17, at muling sumosyo sa No. 2 spot.
Nag-init na naman si veteran outside hitter Cesca Racraquin nang pakawalan nito ang 22 puntos mula sa 17 attacks, dalawang blocks at tatlong aces kalakip ang pitong excellent receptions para hatakin ang Lady Red Spikers sa ikatlong sunod na panalo.
Muling sumuporta si Nieza Viray na umiskor ng 12 markers gayundin si Kimberly Grace Manzano na may siyam na puntos habang nagtala naman si Season 94 Rookie of the Year Lynne Matias ng 22 excellent sets.