MANILA, Philippines — Mula sa Cavite ay ililipat ng kampo ni Jerwin Ancajas ang training camp ng International Boxing Federation (IBF) super flyweight champion sa Dipolog City.
Sinabi ni chief trainer Joven Jimenez na ito ay para makaiwas si Ancajas na maapektuhan ng ashfall mula sa Bulkang Taal na malapit lamang sa Cavite na siyang pinagdarausan ng pagsasanay ng Pinoy titlist.
“We decided na ilipat na lang muna dahil hindi na maganda ‘yung lugar para sa training. Mahirap na rin na baka maabutan kami roon sakaling mas maging grabe pa ang sitwasyon,” wika ni Jimenez.
Magandang pagkakataon din na sa Dipolog magsanay para makaiwas sa anumang distraction.
Magugunitang sa Cavite nagsanay si Ancajas bago labanan si Japanese pug Ryuichi Funai noong Mayo.
Ito rin ang naging tahanan ni Ancajas bago ang naudlot na championship fight niya kontra kay Jonathan Rodriguez noong Nobyembre.
Sa Abril ang target na petsa ni Ancajas, ngunit wala pang linaw kung sino ang makakalaban niya.
Huling sumalang si Ancajas noong Disyembre 7 sa Puebla, Mexico nang itarak ang sixth round technical knockout win laban kay Miguel Gonzalez ng Chile para sa pagtatanggol sa kanyang korona.