Philippine Volleyball try-out na naman

Naglabas na ng kalendaryo ng mga aktibidad ang Larong Volleyball ng Pilipinas Inc. (LVPI) noong na­karaang Linggo para sa taong 2020 at maraming ne­tizens ang bumatikos ukol rito. Ayon sa ilang netizens fake news ang LVPI Calendar dahil wala naman silang aksyon na ginagawa. Ang ilan naman ay galit na galit dahil mayroon na namang try-out para sa volleyball team, tila raw hindi na natapos. Ani pa ng isang netizen, “Pilipinas lang ang nagpapatry-out sa volleyball every year kaya walang chemistry ang mga players na maayos.” Ayon naman sa iba, sinasayang lang nila ang budget at panahon sa parating pagpapatry-out sa players. Kung ang iba ay gigil na gigil sa galit, may ilan naman na idinaan sa biro ang mungkahi, “Idol ba ng LVPI ang Probinsyano? Walang katapusang teleserye. Sila naman walang katapusang try-outs.”

Gayunpaman, naglabas din ang Philippine Volleyball Federation (PVF) ng kalendaryo para ngayong taon ka­ya naman nalilito na hindi lang netizens maging mga manlalaro kung alin ba talaga ang susundin sa dalawang asusasyong ito. Halos magkaparehas ang mga iskedyul na inilatag ng dalawa pero para sa akin, parehas lang puno ang kalendaryo nila.

Kakasimula pa lang ng taon at mainit na ang usapin tungkol sa volleyball dahil sa mga isyu. Samutsaring ba­tikos din ang naglalabasan sa social media kaya hindi ma­iiwasang magkaroon ng negative energy. Ngunit sa ngayon ang magagawa lang natin ay maghintay kung ano ang pinal na resulta ng mga negosasyon mula sa taas, Philippine Olympic Committee (POC). Maging ako ay nag-aabang din kung sino ang lehitimong asosasyon na magre-representa bilang National Sports Association (NSA) ng volleyball.

Kung kaming mga manlalaro ang tatanungin, ba­­kit may try-out na naman muli ay hindi rin namin ma­­sasagot. Katunayan, hindi naman kami maaaring mang-boycott na lang basta-basta tulad ng sinasabi ng karamihan dahil kawalang respeto iyan. Basta’t si­numan ang mabigyan ng kapangyarihan na magdala ng volleyball bilang NSA ay susundin namin. After all, manlalaro lang kami. Hindi naman madaling maging re­bolusyonaryo o filibustero sa mga sitwasyong ito at ba­ka kami pa ang mapasama. Hindi namin kailangang kalabanin ang sitwasyon dahil may mga tamang tao na dapat mag-ayos nito. Ang mga bagay na ito ay hindi na­­min kontrolado. Ewan ko, kailangan pa bang umabot sa Senado o sa Presidente ang isyu para lang mapag-isa ang volleyball sa Pilipinas? Hindi ko rin alam. Basta ang dalangin ko parati ay magkaroon na ng pagkakaisa. Sa­na ang pag-iisa ng volleyball sa Pilipinas ay hindi ma­ging suntok sa buwan. Sana maging maayos naman para din sa future ng volleyball sa bansa.

Show comments