MANILA, Philippines — Target ng Games and Amusement Board (GAB) na mas lalo pang protektahan ang mga atleta hindi lamang ang mga aktibo maging ang retirado na.
Ito ang nais ni GAB Chairman Abraham Mitra kung saan nangako ito na tutulungan ang mga professional athletes na mapangalagaan ang kanilang kapakanan.
Ilan sa mga makikinabang nito sina Erbito Salavarria at Luisito Espinosa na handang suportahan ni Mitra para mabigyan ng magandang kabuhayan.
“Sa ngayon po ay nakikipag-usap na ang GAB sa pangunguna ni Commissioner Ed Trinidad sa pamunuan ng Armed Forces of the Philippines para sa libreng dental program ng ating mga atleta sa lahat ng AFP camp and hospital sa buong Pilipinas,” ani Mitra sa pagbisita nito sa lingguhang Usapang Sports ng Tabloids Organization in Philippine Sports sa National Press Club sa Intramuros, Manila.
Masaya ang buong komunidad sa bagong programa ng GAB.
Kabilang na rito si Brigo Sandig boxing promoter sa ilalim ng Highland Boxing Promotions.
Maliban dito, tutulungan ni Mitra si Espinosa na makuha ang kanyang prize purse sa kanyang laban may ilang dekada na ang nakalilipas.
Tinatayang aabot ito sa $150,000.
Kailangan lang ng GAB na makuha ang mga dokumento gaya ng kontrata para tuluyang maisulong ang pagkuha sa prize purse sa mga promoters ng laban.
Magugunitang nasilayan sa aksiyon si Espinosa sa bantamweight at featherweight divisions noong aktibo pa ito sa boksing.