Lady Chiefs tangka ang liderato
MANILA, Philippines — Matapos ang dalawang araw na kanselasyon, magbabalik-aksiyon ngayong araw ang NCAA Season 95 women’s volleyball tournament tampok ang bakbakan ng nagdedepensang Arellano University at Mapua University sa The Arena sa San Juan City.
Nakatakda ang duwelo ng Lady Chiefs at Lady Cardinals sa alas-2 ng hapon habang magtutuos naman ang San Sebastian College-Recoletos at Jose Rizal University (JRU) sa alas-12 ng tanghali.
Puntirya ng Arellano na masungkit ang ikalawang sunod na panalo para masolo ang liderato.
Galing ang Lady Chiefs sa 27-25, 25-20, 25-20 panalo laban sa Lyceum of the Philippines University noong Biyernes para makuha ang 1-0 panimula.
Naasahan ng husto ng Arellano si two-time Finals MVP Regine Arocha na umiskor ng 18 puntos, siyam na receptions at walong digs.
“Marami pa kaming dapat ayusin. Hopefully, mas gumanda ang galaw ng mga bata sa mga susunod na laro,” ani Lady Chiefs head coach Obet Javier.
Maliban kay Arocha, aasahan din ng Arellano sina Carla Donato, Mikaela Juanich at Sarah Verutiao.
Inaasahang ipapahinga ni Javier si reigning MVP Necole Ebuen na nagpapagaling pa matapos tanggalan ng bukol sa obaryo.
Sa kabilang banda, ibubuhos ng Mapua ang lahat para tapatan ang puwersa ng Arellano.
Nais ng Lady Cardinals na malampasan ang 1-8 rekord nito noong nakaraang season.
Pareho namang naghahangad ang San Sebastian at Jose Rizal na magkaroon ng magandang simula sa kanilang kampanya.
Aarangkada rin ang salpukan ng reigning champion Perpetual Help at Letran sa alas-3:30 ng hapon at ang San Beda at Lyceum sa alas-10 ng umaga sa men’s side.
Sa juniors, papalo naman ang laban ng Red Cubs at Junior Pirates sa alas-8 ng umaga at ng Junior Altas at Squires sa alas-5 ng hapon.
- Latest