PORTLAND, Ore. -- Dumiterso ang Milwaukee sa kanilang ikatlong sunod na pananalasa matapos kumolekta si Giannis Antetokounmpo ng 32 points at 17 rebounds para sa kanilang 122-101 paggiba sa Blazers.
Nagdagdag si Khris Middleton ng 30 points habang may 29 markers si Eric Bledsoe para sa Milwaukee, nagsalpak ng 14 three-pointers kasama ang 4-of-4 shooting ni Middleton.
Binanderahan ni Damian Lillard ang Blazers mula sa kanyang 26 points at may 20 at 19 markers sina CJ McCollum at Carmelo Anthony, ayon sa pagkakasunod.
Nang itala ng Bucks ang 116-94 kalamangan ay ipinahinga ni coach Terry Stotts ang kanyang mga starters.
Sa Oklahoma City, bagama’t hindi naglaro sina stars LeBron James at Anthony Davis ay tinalo pa rin ng Los Angeles Lakers ang Thunder, 125-110.
Humataw si Kyle Kuzma ng season-high 36 points para sa pang-walong dikit na ratsada ng Los Angeles, nakahugot kay Rajon Rondo ng 21 points, 12 rebounds at 8 assists.
Hindi naglaro sina James (chest cold) at Davis (gluteus maximus contusion).
Sa Boston, nagsalpak si Jayson Tatum ng anim na 3-pointers para tumapos na may career-high 41 points sa 140-105 paglampaso ng Celtics sa New Orleans Pelicans.
Ang unang career 40-point performance ni Tatum ang tumapos sa season-high, three-game losing slump ng Boston.
Nagdagdag si Enes Kanter ng 22 points habang may 19 at 17 markers sina Gordon Hayward at Kemba Walker.
Sa Houston, itinanghal na ika-45th player sa kasaysayan ng NBA si James Harden na umiskor ng 20,000 career points sa panalo ng Rockets sa Minnesota Timberwolves.
Naitarak ni Harden ang kanyang career-record nang isalpak ang 3-pointer may 6:30 minuto ang nalalabi sa first half kung saan tumapos ito ng 32 puntos, 12 rebounds at walong assists.