MANILA, Philippines — Tiwala ang Mighty Sports na malampasan ang kanilang third place finished sa nakaraang taon sa muling pagsabak sa 2020 Dubai International Basketball tournament simula Enero 23 hanggang Pebrero 1 sa Shabab Al Ahli Club center sa Dubai, UAE.
Pangungunahan ng Filipino naturalized-player na si Andray Blatche ang kampanya ng Filipino team kasama sina 7’2 Kai Sotto at dating SMB import Renaldo Balkman at McKenzei Moore.
Sinisiguro nina Mighty Sports owner Alex Wongchuking at head coach Charles Tiu na nasa tamang kundisyon ang dating Gilas Pilipinas center na si Blatche bago sila tumungo sa Dubai sa Enero 21.
“We know how good a player he (Blatche) is, but he needs to be in excellent form because we will be again facing formidable teams from Lebanon and Middle East,” pahayag ni Tiu, ang head coach ng koponan na nag-kampeon sa Jones Cup noong nakalipas na taon.
Binubuo ang koponan ng mga beterano at mga batang manlalaro kabilang na ang 17-anyos na si Sotto.
Darating si Sotto sa Dubai, UAE mula sa US para mas lalong pagtibayin ang chemistry ng buong koponan sa Enero 21.
Kasama rin sa koponan sina Thirdy Ravena ng Ateneo at Juan Gomez De Liaño ng UP.