Black Tiwalang gagana uli ang Bench
MANILA, Philippines — Nagsalpak ang Meralco ng PBA Finals record na 16 three-point shots sa Game Two para itabla sa 1-1 ang kanilang title series ng Barangay Ginebra noong Biyernes sa Lucena City.
Hindi rin matatawaran ang tapang na ipinakita nina role players Nico Salva, Bryan Faundo at Anjo Caram sa fourth quarter ng 104-102 paglusot ng Bolts kontra sa Gin Kings.
“We really got a big lift from the bench and that’s what we’re gonna need in the series,” sabi ni coach Norman Black.
Muling sasandalan ng Meralco ang kanilang bench sa pagsagupa sa Ginebra ngayong alas-6:30 ng gabi sa Game Three ng PBA Governor’s Cup Finals sa Smart Araneta Coliseum.
Bumawi ang Bolts mula sa 87-91 kabiguan sa Game One para itabla ang kanilang best-of-seven championship showdown ng Gin Kings.
Humakot si two-time PBA Best Import Allen Durham ng 21 points, 18 rebounds at 6 assists para sa panalo ng Meralco sa Game Two habang nagsalpak si Baser Amer ng 17 points tampok ang dalawang triples sa dulo ng fourth period.
Nakabangon naman ang Ginebra mula sa 19-point deficit sa likod ni import Justin Brownlee second quarter para itabla ang laro sa 70-70.
Ngunit nagtuwang sina Amer, Salva, Faundo, Caram, Durham, Raymond Almazan at Chris Newsome para muling ilayo ang Bolts sa 101-91.
“We battled back, which I’m proud of, but that’s not going to be enough for this series,” wika ni Gin Kings mentor Tim Cone. “Being proud of the guys is not going to win the series for us. We got to do more.”
Tumapos si Brownlee na may 35 points tampok ang kanyang record na ika-326 triples, ang pinakamaraming naisalpak ng isang import sa PBA, na sumapaw sa 325 ni dating San Miguel reinforcement Lamont Strothers.