Mojdeh babandera sa kampanya ng Swim Pinas sa Singapore meet

Jasmine Micaela Mojdeh

MANILA, Philippines — Mamanduhan ni national junior record holder Jasmine Micaela Mojdeh ang kampanya ng Philippine Swimming Inc. sa 2019  Singapore Swimming Series sa Enero 17 hanggang 19 sa OCBC Aquatic Center sa Singapore.

Hahataw din sina Hugh Antonio Parto, Marcus De Kam, Jordan Ken Lobos at Julia Ysabelle Basa habang magsisilbing head coach si Virgie De Luna at team manager si Joan Mojdeh.

Binigyan ng ayuda ni Philippine Swimming Inc. Lani Velasco ang partisipasyon ng mga atleta sa torneo na isang FINA Graded 3.2 tournament.

Inaasahang hahakot ng gintong medalya ang mga bagitong tankers na galing sa grassroots deve­lopment program ng Philippine Swimming League sa ilalim ni dating PSL president Susan Papa.

“Nagpapasalamat po kami sa Philippine Swimming Inc. sa leadership po ni Madam Lani (Velasco). Gusto po talaga ni Mam Lani na palakasin ang grassroots kaya sinabi niya na ngayon taon mas inaasahan niya na mas darami yung mga magagaling na age groupers sa grassroots natin, kaya ngayon nagsisipag talaga si coach Virgie na palakasin ang mga bata,” ani Joan.

Maliban sa Singapore meet, pinaghahandaan din ng mga swimmers ang pagsabak sa Asean Age-Group sa Pilipinas, Kanto Age-Group Swimming Meet sa Pebrero sa Japan at sa 2020 Bucaneers Swimming Championship na idaraos naman sa Marso sa Japan din.

Nagtala ang mag-aaral ng Brent International School na si Mojdeh ng 200m butterfly record na 2:20.01 sa Hong Kong Open Swimming Cham­pionship noong nakaraang taon gayundin sa 100m butterfly bitbit ang 1:03.90 sa 1st Philippine National Open Swimming Cham­pionship.

Show comments