Magsanoc gagabay sa 3X3 team sa Olympic Qualifying Tourney
MANILA, Philippines — Pormal nang itinalaga ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) si dating PBA star Ronnie Magsanoc bilang head coach ng Gilas Pilipinas 3x3 men’s team na sasabak sa FIBA 3x3 Olympic Qualifying Tournament.
Nakatakda sa Marso 18 hanggang 22 ang Olympic Qualifying na idaraos sa New Delhi, India.
Ito ang magsisilbing tulay ng mga koponan para sa 2020 Olympic Games sa Tokyo, Japan sa Hulyo.
“SBP announces the appointment of Mr. Ronaldo Magsanoc as the head coach of Gilas Pilipinas 3x3 men’s team to the FIBA 3x3 Olympic Qualifying Tournament for the 2020 Tokyo Olympics,” ayon sa statement ni SBP executive director Sonny Barrios.
Si Magsanoc ang humawak sa Gilas Pilipinas 3x3 men’s team na naghari sa nakaraang 30th Southeast Asian Games na ginanap sa Maynila.
Miyembro ng naturang koponan sina Chris Newsome, Jason Perkins, Mo Tautuaa at CJ Perez.
Beterano na si Magsanoc sa 3x3 dahil hinawakan na rin niya ang men’s team na naglaro sa 2018 FIBA 3x3 World Cup sa Pilipinas, 2018 FIBA 3x3 Challenger sa Shanghai, China at 2018 FIBA 3x3 U23 World Cup sa Xi An, China.
Inihayag naman ng Chooks-to-Go Pilipinas 3x3 ang training pool para sa Olympic qualifying na binubuo ng Top 10 3x3 best players sa bansa.
Ito ay sina Joshua Munzon, Alvin Pasaol, Dylan Ababou, Karl Dehesa, Leonard Santillan, Chris De Chavez, Gab Banal, Jaypee Belencion, Leo De Vera at Ryan Monteclaro.
Magkakatulong sina Chooks-to-Go Pilipinas 3x3 commissioner Eric Altamirano, Liman ace at China head coach Stefan Stojacic at Serbian strength and conditioning coach Darko Krsman sa tropa.
Kasama rin sina Troy Rike at Franky Johnson sa mga tumutulong sa traning sessions.
- Latest