MANILA, Philippines — Handang-handa na ang finalist noong nakaraang taon na University of Perpetual Help Lady Altas sa pagsabak sa Season 95 NCAA women’s volleyball tournament na magbubukas sa Enero 10 sa FilOil Flying V Center sa San Juan City.
Nasa final stage na ang Lady Altas sa kanilang paghahanda para sa NCAA volleyball tourney na naantala ng mahigit isang buwan para bigyang daan ang pagdaraos ng 30th Southeast Asian Games noong Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11.
Nagpahayag si coach Macky Cariño ng malaking tiwala sa kanyang koponan sa kanilang pagharap kontra sa College of St. Benilde Lady Blazers sa alas-2 ng hapon sa opening day.
Sa ibang laro, magtatagpo naman ang LPU Lady Pirates at ang nagdedepensang Arellano Lady Chiefs sa alas-12 ng tanghali.
Sinabi nina Cariño at assistant coach Marcelo Joaquin Jr. na ang kanilang hanay ay bubuuin ng limang graduating players kabilang na ang anim holdovers at tatlong rookies mula sa kanilang pool.
Kabilang sa kanila ay sina team captain Shyra Umandal at Charina Scott na middle blockers, Bicolana Jonah Rosal at Dana Persa bilang opposite hitters, libero Allysa Sanggalang at setter Jenny Gaviola na pumalit sa nawawalang si Necelle Gual kasama sina Cindy Imbo na ngayon ay nasa Philippine Navy at sina Jowie Verzosa at Hershey Llorente.
Matatatandaang umabot sa finals ang Lady Altas matapos patalsikin ang top seed at may ‘twice-to-beat’ advantage na Lady Blazers sa semis sa mga iskor na 23–25, 21–25, 25–20, 23–25, at 25–17, 27–29, 19–25, 26–24, 16–14.
Nabigo man sa finals, ngunit pinahirapan ng Lady Altas ang Lady Chiefs, 1-2, para tumapos sa runner-up honor.
“We are now in final stage of our training to face Lady Blazers in opening match, ito ‘yung aming battery test kung matibay ang team ko,” ani coach Cariño.
Huling nagkampeon ang Lady Altas noong 2012, 2013 at 2014 sa panahon nina Royce Tubino, April Sartin, Jane Diaz, Sandy delos Santos, Janice Abar at libero Jheck Dionela.