CLEVELAND -- Humataw si guard Dennis Schroder ng 22 points, habang may 20 markers si Shai Gilgeous-Alexander para tulungan ang Oklahoma City Thunder sa 121-106 paggupo sa Cavaliers.
Ito ang pang-limang sunod na ratsada ng Oklahoma City.
Nagdagdag si forward Danilo Gallinari ng 19 points, tampok dito ang limang 3-pointers, at humablot naman si big man Steven Adams ng 16 rebounds para sa Thunder.
Kaagad bumandera ang Oklahoma City sa first quarter at itinayo ang 91-74 kalamangan sa fourth quarter kontra sa Cleveland.
Nagpasabog si Collin Sexton ng 30 points kasunod ang 12 markers ni Kevin Love sa panig ng Cavaliers, nalasap ang ikatlong dikit na kabiguan.
Sa Milwaukee, humugot si Giannis Antetokounmpo ng 19 sa kanyang 32 points sa third quarter para sa 127-118 paggupo ng Bucks sa San Antonio Spurs.
Itinaas ng Milwaukee ang kanilang NBA best record na 32-5.
Pinamunuan ni DeMar DeRozan ang San Antonio mula sa kanyang 26 points kasunod ang 16 markers ni center LaMarcus Aldridge.
Sa New York, naglista si Fred VanVleet ng 29 points at 11 assists at may 26 markers si Kyle Lowry para sa 121-102 pagpulutan ng Toronto Raptors sa Brooklyn Nets.
Kumalawit si Serge Ibaka ng 21 points at 12 boards para sa Raptors.
Sa Dallas, umiskor si Terry Rozier ng 29 points, kasama dito ang go-ahead shot sa extra period, para akayin ang Charlotte Hornets sa 123-120 paglusot kontra sa Mavericks.
Naglista si Devonte Graham ng 27 points at 13 assists para sa Charlotte.
Naimintis ni Luka Doncic ang kanyang potensyal na winning triple sa panig ng Dallas.
Nagposte si Doncic ng Mavericks season record na ika-10 triple-double mula sa kanyang 39 points, 12 rebounds at 10 assists.
Sa Chicago, tumipa si Jayson Tatum ng 28 points, habang may 24 markers si Gordon Hayward para sa 111-104 paggupo ng Boston Celtics kontra sa Bulls.
Nag-ambag si Jaylen Brown ng 19 points.