MANILA, Philippines — Sariwa pa sa memorya ng buong sambayanan ang tagumpay ng Pilipinas sa katatapos na 2019 Southeast Asian Games.
Humakot ang pambansang delegasyon ng 149 ginto, 117 pilak at 121 tansong medalya para masungkit ang pangkalahatang kampeonato sa biennial meet.
Ito ang ikalawang overall title ng Pilipinas sa SEA Games – una na noong 2005 edisyon na ginanap din sa bansa.
Pinakamatagumpay ang arnis na sumikwat ng 14 ginto, apat na pilak at dalawang tansong medalya para tanghaling winningest national sports association.
Pumangalawa ang atletics na nagbigay naman ng 11 ginto, walong pilak at apat na tansong medalya kasunod ang dancesport na nakalikom ng 10 ginto at dalawang pilak.
Malaki rin ang kontribusyon ng taekwondo na may walong ginto, siyam na pilak at apat na tanso at ang wushu at boxing na may tig-pitong nakuhang ginto.
Anim naman ang galing sa skateboarding at obstacle racing; lima buhat sa jiujitsu; apat mula basketball, billiards and snooker; tatlo mula sa triathlon, soft tennis, shooting, sailing, rowing, muay, kickboxing, judo, gymnastics, esports at cycling; dalawa sa ice skating, fencing, karate, golf, modern pentathlon, sambo, sepak takraw, surfing, wakeboarding/waterskiing, weightlifting at wrestling.
Apat na atleta ang bumasag ng bagong rekord sa SEA Games.
Nanguna si Tokyo Olympics qualifier Ernest John Obiena na nangibabaw sa men’s pole vault tangan ang 5.45m para wasakin ang 5.35m ni Porranot Purahong ng Thailand na naitala noong 2017 edisyon sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Hataw din si swimmer James Deiparine na namayagpag sa men’s 100-meter breaststroke sa bilis na isang minuto at 1.46 segundo kung saan binasag nito ang 10 taong SEA Games record na 1:01.60 ni Vietnamese Nguyen Huu Viet na naitala sa Vientiane, Laos noong 2009.
Natabunan din ni Deiparine ang Philippine record na 1:02.00 na kanya ring pag-aari na nakuha niya sa 2017 SEA Games sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Hindi rin nagpahuli si Filipino-American sprinter Kristina Marie Knott na nagningning naman sa women’s 200m dash sa bilis na 23.01 segundo para gibain ang dating marka na 23.30 segundo ni Supavadee Khawpeag ng Thailand noong 2001.
Pasok din sa listahan si Filipino-American Natalie Uy na nagrehistro naman ng 4.25m para angkinin ang ginto sa women’s pole vault.
Mas maganda ang kanyang rekord sa 4.21m dating SEA Games mark ni Sukanya Chomchuendee ng Thailand na nakuha noong 2013.
Sinong makalilimot kay Roger Casugay sa kanyang kabayanihang ipinamalas sa SEA Games.
Lumutang ang magandang kaugalian ng Pilipino nang sagipin ni Casugay ang Indonesian rival na si Arip Nurhidiyat.
Hindi alintana ni Casugay na posible itong matalo sa laban dahil ang tanging nasa isip nito ay ang matulungan ang kapwa atleta.
Sa kanyang magandang pag-uugali, bumuhos ang papuri kay Casugay.
Mismong si Indonesian president Joko Widodo ang nagpasalamat kay Casugay sa kabayanihan nito.
Umaasa ang Team Philippines na magtutuluy-tuloy ang tagumpay ng atletang Pilipino sa 2020 Olympic Games na idaraos sa Tokyo, Japan kung saan pakay ng Pilipinas na tuldukan ang pagkauhaw nito sa gintong medalya.