MANILA, Philippines — Isa si "pambansang kamao" Sen. Manny Pacquiao sa tumabo ng pinakamalaking halaga pera sa lahat ng atleta sa daigdig ngayong dekada '10, ulat ng isang international business magazine.
Ayon sa Forbes Magazine, kumita ng $435 milyon ang "fighting senator" mula 2010 hanggang bago pumasok ang 2020.
Dahil diyan, ang WBA welterweight champion ang ika-walong may pinakamalaking kinita sa listahan sa nakaraang sampung taon.
"Nakapag-generate ng 20 million buys ang 25 pay-per-view fights ni Pacquiao kabilang ang tinatayang kita na $1.3 bilyon," sabi ng Forbes sa Inggles.
Nasungkit naman ng karibal ni Manny na si Floyd Mayweather Jr. ang numero unong pwesto sa kitang $915 milyon.
"Naibulsa ni Mayweather ang mahigit $500 milyon mula sa pinagsamang laban niya kina Manny Pacquiao at Conor Mcgregor noong 2015 at 2017," patuloy ng tanyag na publikasyon.
Nagwagi si Mayweather sa laban nila ni Manny na nagresulta sa "unanimous decision" matapos ang 12 rounds.
Nangyari ang kanilang paghaharap sa "highest grossing pay-per-view boxing bout" sa kasaysayan, na umani ng 4.6 milyong PPV buys.
Narito ang buong listahan ng Forbes:
- Floyd Mayweather ($915 milyon)
- Cristiano Ronaldo ($800 milyon)
- Lionel Messi ($750 milyon)
- LeBron James ($680 milyon)
- Roger Federer ($640 milyon)
- Tiger Woods ($615 million)
- Phil Mickelson ($480 milyon)
- Manny Pacquiao ($435 milyon)
- Kevin Durant ($425 milyon)
- Lewis Hamilton ($400 milyon)
Nitong Hunyo lamang nang hiranging ika-92 si "Pacman" sa Top 100 highest-paid athletes ng taong 2019.
Matatandaang nakakuha ng pwesto sa Senado ang boksingero noong 2016, at naging ikalawang pinakamayamang senador noong Oktubre, sunod lamang kay Sen. Cynthia Villar.
Bagama't 49-anyos na, nitong Disyembre lang nagtapos ng kolehiyo si Pacquiao matapos mapilitang huminto sa pag-aaral bunsod ng kahirapan.