MANILA, Philippines — Nagningning sina Trump Luistro at Marcus Jared Dula para pamunuan ang mga Most Outstanding Swimmer (MOS) winners sa 167th Philippine Swimming League (PSL) National Series – PSL Christmas Cracker 2019 na ginanap sa Diliman Preparatory School swimming pool sa Quezon City.
Umiskor si Luistro ng 97 puntos sa pagsungkit ng MOS award sa boys’ 11-year division habang nakalikom naman si Dula ng 100 puntos para sikwatin ang unang puwesto sa boys’ 7-year event.
Nakahirit din ng MOS sina Marc Bryan Dula ng Masville National High School (boys’ 12-year), Nathan Tumbagahan ng Makati Cembo Swim Team (boys’ 8-year) at Marcus Ali Bautista (boys’ 6-under).
Namayagpag din sina Tarlac City Waves tankers Jude Austin Gapultos (boys’ 9-year) at Jacob Gapultos (boys’ 10-year) gayundin sina Amber Arano ng Bosay Antipolo (boys’ 13-year), Rodney Dulay ng San Carlos City Searingans (boys’ 14-year), at Francis Sherwyn Tan (boys’ 15-over).
Itinanghal na overall champion ang Susan Papa Swim Academy na nakakolekta ng 1,837 puntos habang pumangalawa ang San Carlos City Searingans na may 1,450 puntos at ikatlo ang Diliman Preparatory School na nagtala ng 729 puntos.
Pasok sa Top 10 ang Leviathian Swim Club (697), Makati Cembo (585), Bosay Antipolo (577), Umih Swimming Club (518), Cavite Wahoos Swim Team (510), Malabon Swim Team (489) at Tarlac City Waves (441).