Maligayang Pasko ang tatamasain ng mga atletang nanalo ng medals sa SEA Games.
Namudmod ng pera si Presidente Duterte sa Malacañang last week para sa mga nakasungkit ng 149 gold, 117 silver at 121 bronze medals.
Kada gold, nagbigay si Digong ng P250,000, silver P150,000 at bronze P100,000. Iba pa yan sa bigay ng Philippine Sports Commission na P300,000 sa gold, P150,000 sa silver at P60,000 sa bronze. Meron din ang Philippine Olympic Committee na P200,000 kada gold.
Kulang na lang ang balbas at pulang costume eh Santa Claus ang ating mahal na Pangulo.
Si Caloy Yulo, ang 19-year-old na gymnast mula sa Leveriza sa Manila, ang namayagpag. Nanalo kasi siya ng dalawang gold at limang silver.
Mahina ako sa math. Kaya kayo na lang ang magkwenta. Easily lampas P3 million ang nakuha niya.
Pati ang mga coaches, meron din. Katumbas sa 50 percent ng para sa atleta ang nakuha nila.
May nakasalubong akong boxing coach nung isang gabi. Nanalo kasi ang mga boxers natin ng pitong gold, tatlong silver at dalawang bronze.
Very happy si coach. Tinanong ko kung magkano ang natanggap niya.
Mahina raw siya sa math.