MANILA, Philippines — Umarangkada ang Cebu City Sharks ng 10-0 run sa krusyal stretch upang pataubin ang General Santos Warriors, 72-66, para panatilihing buhay ang pag-asang makapasok sa playoff round sa pagpapatuloy ng Chooks to Go-Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) Lakan Cup sa Southwestern University Aznar Coliseum sa Cebu City.
Naibaba ng Warriors ang agwat sa dalawang puntos lamang, 61-63, ngunit bumulusok ang Cebu Sharks na sunud-sunod na puntos, anim nito mula kay Rhaffy Oktobre upang palawakin ang home win sa malinis na 5-0 record.
Tumapos ang PBA draftee na si William Mcaloney ng 19 puntos, 15 rebounds at dalawang blocks habang si Kraniel Viloria ay umani ng 16 puntos, anim na assists at tatlong steals para iangat ang Sharks sa ika-sampung puwesto at manatiling buhay ang asam na playoff slot sa 10-12 win-loss kartada sa Southern Division.
Sa iba pang laro, tinambakan ng Bacoor Strikers ang Makati Super Crunch, 86-63, upang palakasin ang hawak sa ikalawang puwesto sa South group.
Umani si Michael Canete ng 18 puntos at siyam na rebounds habang 14 naman mula kay Michael Mabulac para sa Strikers.